Showing posts with label Maikling Kwento. Show all posts
Showing posts with label Maikling Kwento. Show all posts

Thursday, May 31, 2018

Maikling Kwento

Bakit mas Maliwanag ang Araw kaysa Buwan?

Noong unang panahon, may dalawang magkapatid na babae. Maganda ang kalooban ni Araw, ang mas matandang kapatid. Pero, si Buwan ay malupit at hindi tapat.

Isang gabi, nanaog sa lupa ang Diyos mula sa langit. Nagbigay siya ng brilyante kay Araw. Hindi nagbigay ang Diyos ng regalo kay Buwan dahil hindi kasing-ganda ang kalooban nito.

Galit na galit si Buwan. Dahil dito, pumunta si Buwan sa langit at nagnakaw siya isang brilyante ng Diyos. Noong bumalik siya sa lupa, natuklasan niya na ang kanyang brilyante ay hindi kasingliwanag ng brilyante ni Araw. Mas lalong nagalit si Buwan.

Nang nalaman ng Diyos ang tungkol sa pangyayari, inutusan niya ang dalawang anghel sa lupa para parusahan ang malupit na babae. Pero, umabuso ang dalawang anghel at ibinato nila ang dalawang magkapatid sa dagat. Tapos, ibinato rin nilang paitaas ang dalawang brilyante sa langit.

Nagdikit sa langit ang dalawang brilyante. Ngayon, ang mas maliwang ay tinatawag na Araw at ang pangalawang brilyante ay tinatawag na Buwan.

Sa ibang bersyon naman ay ipinaliwanag kung bakit mataas ang langit
Noong unang panahon, malapit na malapit ang langit sa lupa. Maaring mahipo iyon.

Nakatira ang dalawang magkapatid na lalake sa kanilang mga magulang. Ang mga pangalan nila ay Mando at Lino. Walang anak na babae ang mga magulang nila at dahil doon si Lino ang gumagawa ng mga gawaing-bahay.

Pabayang trabahador si Lino. Kung bumayo siya ng palay ay natatapon ang kalahati sa lupa. Ayaw niya ang trabahong bumayo ng palay.

Isang araw, bumayo si Lino ng maraming-maraming palay. Tuwi siyang nagtaas ng halo, hinahampas niya ang langit. Tumaas ng tumaas ang langit.

Noong matapos siya, naging mataas ang langit na katulad ngayon.

Mga Aral:

  1. Iwasan ang pagiging mainggitin sa kapwa. Maging mabuti sa lahat ng pagkakataon dahil ito ang nais ng Diyos.
  2. Maging mahusay sa lahat ng iyong mga ginagawa upang hindi masayang ang oras na iyong inilaan sa pagtatrabaho.

Maikling Kwento

Bakit Mataas ang Langit?


Noong unang panahon ay may mag-ina ang nakatira sa isang bahay-kubo. Ang anak na si Maria ay may suklay na ginto at kuwintas na may butil-butil na ginto. Halos araw-araw ay isinusukat niya ang suklay at kuwintas at tinitingnan niya sa kanyang anino sa tubig kung siya ay maganda. Isang araw nang isinusukat ni Maria ang suklay at ang kuwintas ay tinawag siya ng kanyang nanay.

“Maria, magbayo ka ng palay,” ang wika ng ina.

“Opo,” ang sagot ni Maria, nguni’t hindi siya kumilos.

“Maria, magmadali ka,” ang tawag na muli ng matanda. “Wala tayong bigas na isasaing.”
“Opo, sandali po lamang,” ang tugon ni Maria, nguni’t hindi niya inaalis ang kanyang tingin sa kanyang anino sa tubig.
“Maria, sinasabi ko na sa iyong magbayo ka ng palay. Madali ka,” ang galit na galit na utos ng matanda.
Tumindig si Maria at tuloy-tuloy siya sa lusong ng palay. Hindi na niya naalis ang suklay at kuwintas. Nalalaman niyang kapag galit na galit na ang kanyang nanay ay dapat siyang sumunod nang madali. Nagbayo na siya nang nagbayo ng palay. Pagkatapos ng ilang sandali, siya ay pinawisan.
“Napupuno ng pawis ang aking kuwintas,” ang wika ni Maria sa kanyang sarili.
“Hinubad niya ang kuwintas. Inalis ang kanyang suklay. Isinabit ang mga ito sa langit na noon ay mababang-mababa at naabot ng kamay. Samantalang siya ay nagbabayo ay tinitingnan ang suklay at kuwintas.
“Kay ganda ng aking suklay at kuwintas,” ang wika ni Maria sa kanyang sarili. “Pagkatapos na pagkatapos ko nang pagbabayo ng palay ay isusuot ko uli ang aking suklay at kuwintas.”
Sa gayong pagsabi ay dinalas niya ang pagbabayo ng palay upang ito ay matapos at maisuot niya uli ang suklay at kuwintas. Tumaas ng tumaas ang pagbuhat niya ng halo at dumalas nang dumalas ang pagbagsak nito sa lusong. Umaabot na pala ang dulo ng halo sa langit, nguni’t hindi niya napapansin. Sa palay na ngayon ang kanyang tingin. Tinitingnan niya kung malapit na siyang makatapos upang maisuot niya ang suklay at kuwintas. Itinaas pa niyang lalo ang pagbuhat ng halo upang lumakas ang pagbagsak nito sa lusong at nang madaling mabayo ang palay.
Sa bawat pagtaas pala niya ng halo ay bumubunggo ang halo sa langit at sa bawat pagbunggo naman ay tumataas ang langit. Nang mapuna ni Maria ang nangyayari ay mataas na ang langit. Tangay-tangay ang kanyang gintong suklay at kuwintas. Hindi na niya maabot ang mga ito.
Tumaas nang tumaas ang langit. Tumaas din nang tumaas ang suklay at kuwintas. Noong gabing yaon ay umupo si Maria sa may bintana at tinintingnan niya ang langit na ngayon ay mataas na mataas na. Hinanap niya ang kanyang suklay at kuwintas. Naroroon ang kanyang gintong suklay at siyang naging buwan. Ang mga gintong butil ng kanyang kuwintas at nagkahiwa-hiwalay at siya namang naging mga bituin.
“Lalong maganda ngayon ang aking gintong suklay,” ang wika ni Maria sa kanyang sarali, “At anong kinang ng mga butil ng aking kuwintas!”

Mga Aral:
  1. Sumunod kaagad sa pinag-uutos ng magulang upang hindi mapagalitan.
  2. Kung may ginagawa kang isang bagay ay gawin ito ng may kaayusan at huwag magmadali.
  3. Mag-pokus sa anumang iyong ginagawa upang matapos mo ito sa tamang oras.