Alamat ng Paruparo
Magkapatid sina Rona at Lina ngunit magkaibang-magkaiba ang
ugali nila. Masipag si Rona ngunit si Lina ay walang inaatupag kundi ang
magpaganda.
Habang naglilinis ng bahay, nagluluto o naglalaba si Rona,
si Lina ay nasa harap ng salamin, nagsusuklay, at nag-aayos lagi ng sarili.
"Ate, tulungan mo naman ako. Ang dami kong labahing
damit. Karamihan naman ay sa iyo," sabi ni Rona sa kapatid isang umaga.
"May gagawin pa ako. Kayang kaya mo naman iyan."
Naisip ni Lina na pipitas na siya sa hardin ng bulaklak na maipapalamuti sa
kanyang buhok.
Pumunta na nga si Rona na mag-isa sa tabing ilog para
maglaba. Si Lina ay bumaba sa kanilang hardin sa harapn ng bahay. Habang
pinipili niya kung aling bulaklak ang magandang iipit sa buhok, may matandang
babae na lumapit sa tarangkahan.
"Ineng, maari mo ba akong malimusan?" samo ng
matanda.
"Wala! Wala akong maililimos," pakli ni Lina na
patuloy sa paghahanap ng mailalagay sa buhok.
"Kahit na kapirasong tinapay. Ako lamang ay gutom na
gutom na."
"Sinabi nang wala!" sigaw ni Lina, sabay pagpitas
sa isang bulaklak na maganda ang kulay.
Nagalit ang matanda "Hindi ka lang pala tamad, maramot
ka pa at walang galang sa matanda. Gagawin kitang tulad niyang hawak mong
bulaklak ngunit isang kulisap."
Engkantada pala ang matandang babae.
Nang bumalik sa bahay si Rona, hinanap niya ang kapatid.
Pumunta siya sa hardin dahil alam niyang mahilig ito sa mga bulaklak. Subalit
wala si Lina. Ang napasin ni Rona ay ang paruparong lumilipad-lipad sa ibabaw
ng mga bulaklak.
At iyon ang alamat ng paruparo.
No comments:
Post a Comment