Thursday, May 31, 2018

Maikling Kwento

Bakit mas Maliwanag ang Araw kaysa Buwan?

Noong unang panahon, may dalawang magkapatid na babae. Maganda ang kalooban ni Araw, ang mas matandang kapatid. Pero, si Buwan ay malupit at hindi tapat.

Isang gabi, nanaog sa lupa ang Diyos mula sa langit. Nagbigay siya ng brilyante kay Araw. Hindi nagbigay ang Diyos ng regalo kay Buwan dahil hindi kasing-ganda ang kalooban nito.

Galit na galit si Buwan. Dahil dito, pumunta si Buwan sa langit at nagnakaw siya isang brilyante ng Diyos. Noong bumalik siya sa lupa, natuklasan niya na ang kanyang brilyante ay hindi kasingliwanag ng brilyante ni Araw. Mas lalong nagalit si Buwan.

Nang nalaman ng Diyos ang tungkol sa pangyayari, inutusan niya ang dalawang anghel sa lupa para parusahan ang malupit na babae. Pero, umabuso ang dalawang anghel at ibinato nila ang dalawang magkapatid sa dagat. Tapos, ibinato rin nilang paitaas ang dalawang brilyante sa langit.

Nagdikit sa langit ang dalawang brilyante. Ngayon, ang mas maliwang ay tinatawag na Araw at ang pangalawang brilyante ay tinatawag na Buwan.

Sa ibang bersyon naman ay ipinaliwanag kung bakit mataas ang langit
Noong unang panahon, malapit na malapit ang langit sa lupa. Maaring mahipo iyon.

Nakatira ang dalawang magkapatid na lalake sa kanilang mga magulang. Ang mga pangalan nila ay Mando at Lino. Walang anak na babae ang mga magulang nila at dahil doon si Lino ang gumagawa ng mga gawaing-bahay.

Pabayang trabahador si Lino. Kung bumayo siya ng palay ay natatapon ang kalahati sa lupa. Ayaw niya ang trabahong bumayo ng palay.

Isang araw, bumayo si Lino ng maraming-maraming palay. Tuwi siyang nagtaas ng halo, hinahampas niya ang langit. Tumaas ng tumaas ang langit.

Noong matapos siya, naging mataas ang langit na katulad ngayon.

Mga Aral:

  1. Iwasan ang pagiging mainggitin sa kapwa. Maging mabuti sa lahat ng pagkakataon dahil ito ang nais ng Diyos.
  2. Maging mahusay sa lahat ng iyong mga ginagawa upang hindi masayang ang oras na iyong inilaan sa pagtatrabaho.

Maikling Kwento

Bakit Mataas ang Langit?


Noong unang panahon ay may mag-ina ang nakatira sa isang bahay-kubo. Ang anak na si Maria ay may suklay na ginto at kuwintas na may butil-butil na ginto. Halos araw-araw ay isinusukat niya ang suklay at kuwintas at tinitingnan niya sa kanyang anino sa tubig kung siya ay maganda. Isang araw nang isinusukat ni Maria ang suklay at ang kuwintas ay tinawag siya ng kanyang nanay.

“Maria, magbayo ka ng palay,” ang wika ng ina.

“Opo,” ang sagot ni Maria, nguni’t hindi siya kumilos.

“Maria, magmadali ka,” ang tawag na muli ng matanda. “Wala tayong bigas na isasaing.”
“Opo, sandali po lamang,” ang tugon ni Maria, nguni’t hindi niya inaalis ang kanyang tingin sa kanyang anino sa tubig.
“Maria, sinasabi ko na sa iyong magbayo ka ng palay. Madali ka,” ang galit na galit na utos ng matanda.
Tumindig si Maria at tuloy-tuloy siya sa lusong ng palay. Hindi na niya naalis ang suklay at kuwintas. Nalalaman niyang kapag galit na galit na ang kanyang nanay ay dapat siyang sumunod nang madali. Nagbayo na siya nang nagbayo ng palay. Pagkatapos ng ilang sandali, siya ay pinawisan.
“Napupuno ng pawis ang aking kuwintas,” ang wika ni Maria sa kanyang sarili.
“Hinubad niya ang kuwintas. Inalis ang kanyang suklay. Isinabit ang mga ito sa langit na noon ay mababang-mababa at naabot ng kamay. Samantalang siya ay nagbabayo ay tinitingnan ang suklay at kuwintas.
“Kay ganda ng aking suklay at kuwintas,” ang wika ni Maria sa kanyang sarili. “Pagkatapos na pagkatapos ko nang pagbabayo ng palay ay isusuot ko uli ang aking suklay at kuwintas.”
Sa gayong pagsabi ay dinalas niya ang pagbabayo ng palay upang ito ay matapos at maisuot niya uli ang suklay at kuwintas. Tumaas ng tumaas ang pagbuhat niya ng halo at dumalas nang dumalas ang pagbagsak nito sa lusong. Umaabot na pala ang dulo ng halo sa langit, nguni’t hindi niya napapansin. Sa palay na ngayon ang kanyang tingin. Tinitingnan niya kung malapit na siyang makatapos upang maisuot niya ang suklay at kuwintas. Itinaas pa niyang lalo ang pagbuhat ng halo upang lumakas ang pagbagsak nito sa lusong at nang madaling mabayo ang palay.
Sa bawat pagtaas pala niya ng halo ay bumubunggo ang halo sa langit at sa bawat pagbunggo naman ay tumataas ang langit. Nang mapuna ni Maria ang nangyayari ay mataas na ang langit. Tangay-tangay ang kanyang gintong suklay at kuwintas. Hindi na niya maabot ang mga ito.
Tumaas nang tumaas ang langit. Tumaas din nang tumaas ang suklay at kuwintas. Noong gabing yaon ay umupo si Maria sa may bintana at tinintingnan niya ang langit na ngayon ay mataas na mataas na. Hinanap niya ang kanyang suklay at kuwintas. Naroroon ang kanyang gintong suklay at siyang naging buwan. Ang mga gintong butil ng kanyang kuwintas at nagkahiwa-hiwalay at siya namang naging mga bituin.
“Lalong maganda ngayon ang aking gintong suklay,” ang wika ni Maria sa kanyang sarali, “At anong kinang ng mga butil ng aking kuwintas!”

Mga Aral:
  1. Sumunod kaagad sa pinag-uutos ng magulang upang hindi mapagalitan.
  2. Kung may ginagawa kang isang bagay ay gawin ito ng may kaayusan at huwag magmadali.
  3. Mag-pokus sa anumang iyong ginagawa upang matapos mo ito sa tamang oras.

Ang Alamat ng Mais

Ang Alamat ng Mais


Tumatakas ang binata at dalaga, magsing-irog na hinahabol ng mga alagad ng batas.

Yakap ng binata ang supot ng mga alahas - mga pulseras, kuwintas, hikaw, singsing na ninakaw niya sa mga libingan.

Nakatakas si Mando sa mga guwardiya sa tulong ng dalaga at kapagkaraka ay silang dalawa na ang tinutugis ng mga ito.

Hindi nagtagal at nahuli sila. Ang babae ay pinakawalan, ang lalaki ay itinali sa puno para ubusin ng langgam.

"Sana'y hindi siya nakita ng matandang babae na nagkakataong may dinadalaw sa libingan," taghoy ni Delia habang nakalupagi sa tabi ng bangkay ng kanyang mahal, "Disin sana ay malayo na kami, at nagbabagong buhay. Pangako niya."

Pagkaraan ng ilang araw, napansin ni Delia na may mga halamang tumubo sa palibot ng punong kinamatayan ni Mando.

Kakatuwa ang bunga dahil may busil na nababalutan ng hile-hilerang mga butil na tila mga hiyas - may puti, may dilaw, may mapula-pula, mga alahas na ninakaw ni Mando at ibinaon sa malapit sa punong kinamatayan.

Inalagaan ni Delia ang halaman at pinarami pa niya ang mga ito para saan man siya magtungo ay magpapaalala sa kanya ng mahal niyang si Mando.

At iyon nga ang alamat ng Mais.

Pangungusap at Parirala

Ano ang Pangungusap at Parirala?


Pangungusap


  • Ang pangungusap ay isang salita o lipon ng mga salita na nagpapahayag ng buong diwa o kaisipan.  A sentence is a word or group of words expressing a complete meaning or thought.


Mga Halimbawa:

1. Si Itay ay nagpunta sa doktor upang magpagamot.

2. Ako ay kakain ng gulay upang maging malusog ang aking katawan.

3. Si Andy ay pupunta sa Maynila para makita ang kanyang Ama.

4. Si Glen ay magsisimba samantalang kami manunuod ng sine.

5. Nagluluto na ako ng ulam nang sila ay dumating.
6.Araw-araw nagdadala si Aling Lucia ng paninda sa bayan
7. Uminom si Fred ng gatas.
8. Nalunod ang bata.
9. Umuulan!
10.ng ibon ay lumilipad.
11.Umuulan!
12. Ang ibon ay lumilipad.


Apat na Uri ng Pangungusap

1. Pasalaysay o paturol
Halimbawa:
Malapit na ang pista dita sa atin.
Ang puno ay matibay.

2. Patanong
Halimbawa:
Maghahanda po ba tayo?
Paano ba gawin ito?


3. Pautos o Pakiusap
Halimbawa:
Mag-imbita kayo ng mga kaibigan. Maari po ba kaming mag-mbita sa pista?
Pakikuha nga ng bag ko.
Magsalita ka nga ng maayos.

4. Padamdam
Halimbawa:
Naku! Ang ganda ng palamuti sa daan.


Parirala 


  • Ang parirala ay isang salita o  lipon ng mga salita na hindi nagpapahayag ng buong diwa.  A phrase is a word or group of words not expressing a complete meaning or thought.


  • Ang parirala ay mga lipon ng salita na walang simuno at panaguri at ginagamit lamang sa bahagi ng pangungusap.


Mga Halimbawa:

1.paglipas ng panahon
2.walang sinasabi
3.nakadikit lang
4.ang hindi maalwan
5.masigasig sa una
6.sa ibang bansa.
7.Mga Pilipinong manggagawa
8.Ang matabang bata
9.Masarap na pagkain
10.Ang maingay na mga tao
11.Maingay na pinaandar
12.Dahan-dahang inakyat ang pader
13.Nakabuo ng grupo
14.Binalikan ni Harold
15.Nabubulok ang mga prutas
16.Marunong ako magluto
17.Matiyagang pinag-aralan ni James
18.Tuwing kaarawan ni Lisa


Uri ng Parirala

1. Pariralang pandiwa - Ito ay pariralang binubuo ng pandiwa at pang-uri o lipon nito.

2. Pariralang Pang-ukol- Ito ay binubuo ng pang-ukol at ang layon nito.

Halimbawa: Huwag kayong gagawa ng labag sa batas.

3. Pariralang Pawatas - Ito ay pagsasama ng pawatas na anyo ng pandiwa at ng layon nito.

Halimbawa: Ang magsabi ng katotohanan ay mahirap gawin minsan.

4. Parirala sa Pangngalang Diwa - Pagsasama ng panlaping pag + salitang ugat + pag-uulit ng unang pantig ng salitang ugat + layon nito.

Halimbawa: Ang paglalakad sa batuhan ay mahirap.

5.Pariralang Pandiwa - Pagsasama ng panlaping naka + salitang ugat + layon nito o kaya ay pagsasama ng pantukoy na ang + pang-ngalang diwa + layon nito. Tumutukoy sa aksyon.

Halimbawa: Ang nakatayo sa unahan ng klasrum ay ang pinakamahusay na mag-aaral.
Gamit ng Parirala sa Pangungusap

6. Pariralang Pangngalan- Ang parirala ay ginagamit bilang isang pangngalan.

Halimbawa: Ang tanging pinahahalagahan ni Mayie ay "ang pagmamahalan nila ng kanyang kasintahan."


Simuno

Ang parirala ang pangunahing diwa ng pangungusap.

Halimbawa: Laging' tinatandaan ni Domeng ang ukol sa kanyang kinabukasan
ang mabuting mamayan ay nagbabayad ng buwis

Kaganapang Pansimuno
Ang parirala ay ipinapakilala ang simuno

Halimbawa: Ang tinalakay nina Feliz at Edward ay tungkol sa ikauunlad ng bayan.

Pamuno sa Simuno
Ang simuno at ang pariralang nasa bahagi ng paksa ay iisa lamang.

Halimbawa: Si Gail, ang pinuno ng aming klase, ay isang manunulat na.

Pariralang Pang-uri
Ang parirala ay ginagamit upang mag-bigay turing sa pangngalan o panghalip.

Halimabawa: Si Bianca ay isang babaeng may kalukuhan.

Pariralang Pang-abay
ang parirala ay sumasagot sa tanong na saan at kailan.

Halimbawa: Ang bata ay pupunta sa parke.

Wednesday, May 30, 2018

Uri ng Tayutay

Mga Uri ng Tayutay


1.Pagtutulad (simile) – di tiyak na paghahambing ng dalawang magkaibang bagay. Ginagamitan ito ng mga salitang: tulad ng, paris ng, kawangis ng, tila, sing-, sim-, magkasing-, magkasim-, at iba pa. Ito ay tinatawag na Simile sa Ingles.
  • Ito ay simpleng paghahambing ng dalawang bagay na magkaibaulad na katangian na sukat ipagkaugnay ng dalawa sa pangkalahatang anyongunit may mga pagkakat. Ito’y gumagamit ng mga salita’t pariralang tulad ng, katulad ng, para ng, kawangis ng, animo’y, gaya ng, tila, at iba pa.


Halimbawa:
Gaya ng halamang lumaki sa tubig
Ako’y tila isang nakadipang kurus
Parang hinahagkan ang paa ng Diyos
Ang buhay ay tulad ng isang batis


2.Pagwawangis (metaphor) – tiyak na paghahambing ngunit hindi na ginagamitan ng pangatnig.Nagpapahayag ito ng paghahambing na nakalapat sa mga pangalan, gawain, tawag o katangian ng bagay na inihahambing.
  • Ito ay  isang tayutay na nagsasagawa ng paglilipat ng mga salitang nangangahulugan ng isang bagay na nagpapahayag ng ibang bagay. ibang bagay. Sa madaling salita, sa pagwawangis ay inaalis ang hambingang salita’t pariralang ginamit sa pagtutulad o simile. Sa pagtutulad, ang A ay gaya ng B at sa pagwawangis ay ang A ay B.


Halimbawa:
Ang kanyang kahapon ay isang tanghalan
Ng mga lihim nya’t mga karanasan
Ang buhay nyang hiram ay naging tanggulan
Sa kanyang gunita ay ayaw alpasan
         
Si Elena ay isang magandang bulaklak.
Ellen is a beautiful rose.

Ang mga nangangalaga sa akin ay mga anghel. 
Those taking care of me are angels.

Ang kanilang bahay ay malaking palasyo.
Their house is a large palace.

Si Inay ay ilaw ng tahanan.
Mom is the home’s light.

Si Miguel ay hulog ng langit.
Michael is a gift from heaven.

Paunawa: Ang pagwawangis ay karaniwan nang maaaring palawakin sa isang
pagtutulad, isang pahalintulad o alinman sa dalawang huli na maaaring     
tipiinnaman sa isang pagwawangis.


Halimbawa:
Pagtutulad: Kaakit-akit ang KANYANG MGA   MATANG ANAKI’Y BITUIN.
Pagwawangis: Kaakit-akit ang kanyang mga   MATANG BITUIN.

3.Pahalintulad (analogy) – Ito ay isang tayutay na may tambalang paghahambing na nagangahulugan  ng  pagkakawangki ng  mga pagkakaugnay.


Halimbawa:

Ikaw ay tulad ng bituin.
You are like a star.

Ang puso mo ay gaya ng bato. 
Your heart is like a stone.

Ang paghahabi ng tela ay gaya ng paghihirap ng isang tao.
Weaving cloth is like the suffering of a person.

Ang paghihintay sa paghinog ng prutas ay gaya ng pagbubuntis.
Waiting for fruit to ripen is like being pregnant.

Ang pag-ibig mo ay parang tubig − walang lasa. 
Your love is like water − flavorless.

Ang mga pangako mo ay parang hangin.
Your promises are like air.

Sa ilalim ng mga dayuhan, ang Pilipinas ay naging parang kalabaw. 
Under foreigners, the Philippines became like a carabao.

Ang bandila sa hangin ay kawangis ng malaking ibon na nakaladlad ang pakpak.
The flag in the wind is like a large bird with wings spread out.

Ang ulap ay kawangis ng mukha ng tao.
The cloud is akin to a person’s face.

4. Pahambing (comparison) – Ito ay tayutay na naghahambing ng tao o bagay sa iba, o nagpapalagayna ang dalawa’y magkawangis sa isang katangian o kauring kapwa angkin ng mga ito. Balangkas: S A ay….ni B

Halimbawa:

Pahambing na magkatulad:
-magkasingganda
-magkasinghusay
-magkasinggaling
-parehong makulit
-kapwa magalang

pahambing na di-magkatulad:
-higit na maganda
-lalong mahusay
-mas magaling
-higit na makulit



Tandaan: Ang paghahambing sa tayutay na ito’y karaniwang ginagamitan ng unlaping
      sing-, maging-, at magkasing- at ang iba pang anyong maraamihan ng mga ito,
      gayundin ay maaaring gamitan ang gaga o gangga -  bilang unalapi sa
      hambinganag magkatulad.

5.Pagsasatao (personification) – Ginagamit ito upang bigyang-buhay, pagtaglayin ng mga katangiang pantao - talino, gawi, kilos ang mga bagay na walang buhay sa pamamagitan ng mga pananalitang nagsasaad ng kilos tulad ng pandiwa, pandiwari, at pangngalang-diwa.

  • Ito ay tayutay na paglilipatsa katangian ng tao sa mga walang buhay. Ang mga bagay ay tinuturing na mga tao na may damdamin, kaisipan, nagsasalita, nakadarama ng kalungkutan, kaligayahanat kabiguan na parang tao. Sinasabi ring paglalapat ng kaasalan sa mga bagay na non-human.

Halimbawa:
  1. Humagulgol ang hangin.
  2. Lumipad ang mga oras.
  3. Napangiti ang bulaklak sa aking pagdating.
  4. Sumayaw ang mga bituin sa langit.
  5. Inanyayahan kami ng ilog na maligo.
  6. Nagkasakit ang kotse ko.
  7. Kinindatan ako ng araw.
  8. Hinalikan ako ng malamig na hangin.
  9. Ang mga bituin sa langit ay kumikindat sa atin.
  10. Sumasayaw ang mga dahon sa pag-ihip ng hangin.
  11. Nagtago ang buwan sa likod ng ulap.

6.Paurintao / Paglilipat-wika  (transferred epithet) – Ito ay isang tayutay na paharaya at pasalaysay ang paraan ng pagbibigay katauhan sa isang bagay na walang buhay o kaisipan, naipapahayag ito ng pang-uri.


  •  tulad ng pagbibigay-katauhan na pinasasabagay ang mga katangiang pantao, na ginagamit ang pang-uri.


Halimbawa:

1 Ang ulilang silid ay naging masaya sa pagdating ni Lucy.
2 Ang mapaglingkod na payong ay maingat na tiniklop ni Eleanor.
3 Ang kahabag-habag na tuwalya ay dinala ng agos.
4 Ang matapat na bentilador ay nagbigay-ginhawa sa kanya nang kanyang buksan.


7.Pangitain (vision) – Sa tayutay na ito, ang nagsasalita at ang    nilalaman ng isip ay animo’y tunay nakaharap o nakikita ng makata.


Halimbawa:



Tayo na pangarap at ating galain

Ang di nakikitang pook-salimsim
ANG TATAHAKAN AY MAPUTING TANAWIN
AT ANG MGA TALA’Y ATING DADALAWIN
Tayo ay magpakpak
ng bagwis ng hangin
At kita’y lalapag
sa may panginorin

Sa tulang “Isang Patunguhan” Ni A.G. Angeles

8.Panawagan (apostrophe) – May kagyat na pagputol sa naunang paraan ng pagpapahayag, at panawagan sa ikalawang panauhan ng isang tao o bagay, karaniwan nang  isang  patay o isang  harayahing bagay.


Halimbawa:



1. O tukso! Layuan mo ako!
2. Kamatayan nasaan ka na? wakasan mo na ang aking kapighatian.
3. Araw, sumikat ka na at tuyuin ang luhang dala ng kapighatian.
4. Ulan, ulan kami’y lubayan na.

5. Oh, birheng kaibig-ibig ina naming nasa langit, Liwanagin yaring isip, nang sa layon di malihi

9. Padamdam (exclamation) – Nagmumula sa bulalas ng isang masidhi o pananalitang nagpapahayag ng matinding damdamin.


Halimbawa:
“Ayan, ang kabaong na pasan ng tao.
Irog, sumama ka at kakilala mo!
May ilang karamay, korona’t musiko,
Ihahatid na raw sa wakas ng mundo!
Nang ihuhulog na ang kabaong . . . NAKU!
Ako pala’y siyang ililibing ninyo!!!

-Sa tulang “Hindi Man Lamang Nakita” Ni  Jose Corazon de Jesus

10.Patalinghaga (allegory) – Ito ay isang tayutay na ang kahulugan ay hindi tahasang ipinahihiwatig sa tula at ang taludturan ay kinapapalooban ng mga talinghaga.


Halimbawa:
“Nag-alama ang lunggati, sa budhi ay sumisikad,
Kalayaan, kalayaan ang tuwina’y hinahangad.
Dumadamba, damadamba kapag renda’y hinahatak
O, kay hirap na supilin! May latigo ka mang hawak”
Sa tulang “Erotique” Ni Frederico Licsi  Espino Jr.

Ang magdamag niya
ay nakipaglamay sa gabing naidlip
na may simulaing
may bigkis na giting na hindi mapabatid;
taglay ang pag-asa
at init, adhikaing hindi rin nanlamig
sa huling hantungang
hihimlayan niyang sariling daigdig

Saknong sa tula ni Graciano Lopez Jaena na Walang pamagat


11.Balintuna (irony) – Ito ay isang tayutay na sa pamamagita nito ang kahulugang patitik ng isang anyo ng pananalita ay kabaligtaran sa tangkang sabihin, dahil sa ang isang bagay na sinabi ay may ibang pakahulugan at ginamit sa pangungutya o katuwaan lamang.


Halimbawa:

  1. Napakalinis sa ilog na yon walang isdang nabubuhay.
  2. Napakataas monaman kaya hindi mo naabot ang nakalagay sa misa.
  3. Napakalinaw ng mata mo bakit hindi mo yan makikita.

12.Pauroy o mapang-uyam (sarcasm) –   Ito ay isang tayutay na ipinahihiwatig sa paraan o tono ng pagsasalita. Ito’y isang panunudyo o pangungutya sa tao, bagay at pangyayari.


Halimbawa:


  1. Iginagalang. Dinarakila sa gawain niyang banal. Niyuyukuan. Pinupuri ng balana; siya ay minamahal. Sa paglilingkod sa kapwa’t sa bayan, siya ay ikinarangal ngunit sa kaban pala ng bayan, siya ay isang halimaw.
  2. Kay talino ni Felipe upang siya ay maloko ng lalaking ang layunin, bilugin ang kanyang ulo.

13.Pagmamalabis (hyperbole) – Ito ay isang tayutay na ang ang kaigtingan ay sobra sa normal na katangian ng bagay o tao na nais ipahayag.


Halimbawa:

Namuti ang buhok ko sa kahihintay.
My hair turned white from waiting.

Paliwanag: Namuti ba talaga ang buhok? Siyempre hindi. Isa lamang itong paraan ng pananalita, at ito nga ay halimbawa ng pagmamalabis.

Narinig ng buong mundo ang iyong pag-iyak.
The whole world heard your crying.

Paliwanag: Talaga bang narinig ng bawat tao sa mundo ang pag-iiyak niya? Siyempre hindi. Ang ganitong patalinghagang pagpapahayag ay nagbibigay-diin sa ating gustong ipaalam.

Sa halip na simpleng “Talagang mahal na mahal kita.” maaari mong sabihin “Abot langit ang pagmamahal ko sa iyo.”

Paliwanag: Kahit ang iyong pag-ibig ay walang pakpak at hindi makasasakay sa eroplano para umabot sa langit (literal na kahulugan), maiintindihan ng nakikinig ang iyong sabihin.


14.Paradoha (Paradox) – Ito ay isang tayutay na ang tinutukoy ay  isang pahayag na sa biglang akala’y  magkasalungat ngunit kung masusing lilimiin o ipaliliwanag ay nagpapahayag ng isang katotohanan.  



Halimbawa:

“Ako’y di inutil,” ang iyak ng pilay
“Kaya kong tumayo’t gumawang mahusay!”

Kung ito’y totoo, siya ay bulaan. -Lirio G.Mendoza-


15.Pagpapalit-saklaw (Synedoche) – Ito ay isang tayutay na bumabanggit sa bahagi ng isang bagay o kaisipan bilang katapat ng kabuuan.


Halimbawa:
                  1.  Libu-libong kaluluwa ang umaasa sa iyo
                  2.  Pitumpu’t apat na buhay ang ibubuwis ko
                  3. Ipakilala natin sa buong baya na tayo’y may  pagkakais


16.Pagpapalit-tawag (metonymy) – Ito ay isang uri ng tayutay na gingamit sa pagpapalit ng        pagtukoy o pagtawag sa bagay o tao na pinatutungkulan. Ito’y pansamantalang pagpapalit-tawag sa mga bagay na magkakaugnay. Ito’y palasak sa mga karaniwang usapan. “Siya’y laking iskwater”, ibig sabihin nito’y basagulero o palaaway.


Halimbawa:

“Ang pag-ibig ay ating kaligtasan
Banal na pag-ibig at katotohanan.”


17.Patambis (anithesis) –Ito ay isang paglalagay ng isang sugnay o ibang bahagi ng pangugusap laban sa isa pa na sinasalungat niyon.



Halimbawa:

            “Ang bangan ng lahi kong ibig mapuno,
            Sa akin ay pawis ang dapat ibugso;
            Susdod hindi sundang! Punla hindi Punlo!
            Binhi hindi bomba! Pawis hindi dugo!”   

Sa tulang “Pawis Hindi Dugo” ni  Teo S. Baylen


18.Patiwas (epigram) –Ito ay isang mahayap o patambis na kasabihan tungo at nagwawakas sa isang malundo o matalinong kaisipan.


Halimbawa:

            At ang kanyang anak, sa yama’y mag-angkin
            Ang tawag ng bayan ay maginoo rin!
            Ating pag-uugali nang ang suwi ng saging,
            Gadangkal pa lamang saging nang tawagin!
            Mana-manang yaman sa habang panahon,
            Walang anu-ano ang bata’y naulol!
            At ang mga tao ay nakapagtanong:
            “Kakayamang tao, bakit nagkaganon?”
            At ang pangyayari ang sumagot naman:
            “Iyang ama nya’y baliw nang namatay,
            Namana ang pilak, ano’t pagtatakhang
            Manahin sa ama pati kabaligtaran


Sa tulang “Ang Maginoo” ni  Jose Corazon de Jesus


19.Pabugtong (riddle) – Ito ay isang tanong, mungkahi, tugma na papikit-mat o pampalitong sinasalita upang maging pahulaan.


Halimbawa:
            Kung babayaan mong ako ay mabuhay
            Yaong kamataya’y dagli kong kakamtan;
            Datapwat pag ako’y minsanang pinatay,
            Ang buhay kong ingat lalong magtatagal - Kandila

20.Pasaliwa (apostrophe) – Ito ay isang  pagsasaliwa ng kinagawian o katutubong ayos ng mga salita.

Halimbawa:
“Ang hilaw na hininog sa pilit ay hilaw pa rin, namnamin    man ay mapait,”

Kasabihan:
“Ngunit ang mabuting pilit, pinasama man ay mabuti rin kahit.” - Simon A. Mercado

21.Pahidwa (oxymoron) – Ito ay isang paraan ng pagpapahayag  na nagbubunga ng isang bisa sa pamamagitan ng mandi’y pansariling paghihidwa.


Halimbawa:

            Noon ko nakitang ANG MALULUNGKOT AY SUMAYA
            Dahil sa pagdating ng kanyang ama at ina               
            No’n ko nadama ang SARAP NG PANGUNGULILA                      
            Pagkat sa  LUMBAT N’YA AY NAROON ANG PAG-ASA.


22.Pag-uulit (germination) – Ito ay pag-uulit ng isang salita saan mang bahagi ng mga taludtod ng tula.


Aliterasyon - Ang unang titik o unang pantig ay pare-pareho.

Halimbawa:

 1. Iniinganyo, inaakay, inaanod ang inang inapi ng inyong inpong.

2. Mababakas sa mukha ng isang mabuting mamamayan ang marubdob niyang pagtatangi sa mahal niyang bayan

3 Palabiro na palaboy sa pamayanan kaya kilala siya ng kanyang pamlya.

4 Minabuti ng magulang na mapagmahali siya nang sagayon mahalin siya ng maraming mamayan.

5 Kasing bait ng kalabaw ang kanyang kapitbahay dahil sa siyay kinagigiliwan ng lahat.


Anapora - Pag-uulit ng isang salitang nasa unahan ng isang pahayag o ng isang sugnay.

Halimbawa:


  1. Ang bagay ay gawa ng lahat,para sa lahat at galling sa lahat .
  2. Mas makapangyarihan ang pamahalaan ,kontrolado ng pamahalaan at dapat kang sumunod sa pamahalaan.
  3. Ang lahat ay may halaga,kahit anung liit nito ay may halaga kaya pahalagahan natin kahit kaunti man basta may halaga.


Anadiplosis - Paggamit ng salita sa unahan at sa hulihan ng pahayag o sugnay.

Halimbawa:

Kamatayan ko man siyay aking puriin.
Puriin ko ng siyay angkinin;

Angkinin ko ng siyay mahalin,

Mahalin ko ng kami ay magsaya.

Kailangan kong gawin ng itoy baguhin
Baguhin koman ng itoy magisnan;

Magisnan ng lahat ng matalino,

Matalino ang mas nakakaalam.

Ang lahat na bagay ay siyasatin
Siyasatin ang pinakamahalagang sundin;

Sundin moman na walang gawiin,

Gawiin ang nakakapagpalinaw sa lahat.

Epipora - Pag-uulit naman ito ng isang salita sa hulihan ng sunud-sunod na taludtod.

Halimbawa:


  1. Ang bagay ay gawa ng lahat,para sa lahat at galling sa lahat .
  2. Mas makapangyarihan ang pamahalaan ,kontrolado ng pamahalaan at dapat kang sumunod sa pamahalaan.
  3. Ang lahat ay may halaga,kahit anung liit nito ay may halaga kaya pahalagahan natin kahit kaunti man basta may halaga.


Empanodos o Pabalik na Pag-uulit - Pag-uulit nang pagbaliktad ng mga pahayag.

Katapora - Paggamit ng isang salita na kadalasang panghalip na tumutukoy sa isang salita o parirala na binanggit sa hulihan.

23.Pasintunog (onomatopoeia) – Ito ay paggamit ng mga salitang kung ano ang gamit o tunog ay siyang kahulugan.


    Halimbawa:

Ang himig nitong ibon,agus nitong ilog ay nagpapakita ng kayamanan sakagubatan.
Ang alimuyak na bulaklak,mayamang halaman ay nakapagdulot ng katiwasayan.
Ang mabungad na pagsalamuha, galang na pagbati ay nakagagaan ng loob.

24. Pagtanggi (litotes) – gumagamit ng katagang “hindi” na nagbabadya ng pagsalungat o di-pagsang-ayon. Ito’y may himig na pagkukunwari, isang kabaligtaran ng ibig sabihin.


1. Siya ay hindi isang kriminal.
2. Hindi niya magawang magsinungaling sa panahon ng kagipitan.
3 Ang aking kapatid ay hindi isang taong walang dangal.


Pasukdol o Klaymaks – pataas na paghahanay ng mga salita o kaisipan ayon sa kahalagahan nito mula sa pinakamababa patungo sa pinakamataas na antas.


Halimbawa:

Nararamdaman na namin ang malamig na simoy ng hangin,ingay ng mga nangangaroling tuwing gabi,at makikita na ang mga napakaliwanag na mga ilaw sa kalye na nagsisimbulong malapit na ang pasko.
Biglang nawala ang liwanag na sikat ng araw, dumilim ang kapaligiran,na nagsisimbulong paparating na ang bagyo.
Biglang naliliwanagan,nabigyan ng pag-asa ang madilim na kahapon sa isang nabiktimang bagyong Ondoy
Antiklaymaks- paggamit ng mga inihanay na pahayag ng damdamin kaisipan na may maliwanag na impresyon ng pagbaba ng tindi ng kahulugan o ng ideya.
Halimbawa:
1. Alaala nya tila lumayo, nawala at napawi.
2. Nakipaglaban hanggang sa nawalan ng pag-asa.

3. Pagsisikap ng magulang napawi sa pariwarang anak.

Retorika na Tanong-  hindi ito nag hihintay ng kasagutan at hindi rin nagpapahayag ng pag-aalinlangan.

Halimbawa:
1. May magulang bang nagtatakwil ng anak?
2. May kaligtasan pa kaya si Elisa?
3. Papawi pa ba ang sakit na kanyang naramdaman?

Paralelismo. sa pamamagitan ng halos iisang istruktura, itatag dito ang mga ideya sa isang pahayag.

Halimbawa:
1. Pook na karaniwan ay may tanawin ng mga damo at punongkahoy na ginagamit ng taong bayan para pasyalan.(parke)
2. Kailangan natin ang bahay na tirahan, ang damit na kasuotan at ang pagkaing panlaman ng tiyan.
3. Maging mapanglaw, matamlay, ang kanyang nararamdaman. (malungkot)

Eupemismo. pagpapalit ng salitang mas magandang pakinggan kaysa sa salitang masyadong matalim, bulgar o bastos.

Halimbawa:
1. Kailangan nating bawasan ang mga empleyado. (Tanggalin sa trabaho)
2. Malakas lumamon si NJ. (Malakas kumain)
3. Papawi pa ang sakit ng kanyang naramdaman.

Tuesday, May 22, 2018

Alamat ng Buwan at Bituwin

Alamat ng Buwan at Bituwin


Noong Kauna-unahang panahon, ang langit daw ay napakababa. Abot na abot ng mga tao at maari nga raw pagsabitan ang mga alapaap ng kanilang mga gamit, mga damit at maliliit na kasangkapan.

May isang babae na kumuha ng isang salop na palay sa sako para bayuhin at gawing bigas. Ibinuhos ang palay sa lusong at handang babayuhin na nang maalalang tanggalin muna ang kanyang pulseras, kuwintas at mga singsing. Pati suklay na may mga batong makinang ay tinanggal rin. Isinabit niya ang mga alahas sa mababang alapaap at nagsimulang magbayo.

Sa bawat pagtaas niya ng pagbayo, nauumpog niya ang langit. "Sana nama'y mataas ang langit para hindi laging nauumpog kapag nagbabayo ako ng palay."

Katanghaliang tapat ng sinabi niya ito, at may paniniwala ang mga tao noon na sa oras na ganoon, ang lahat na naisin ninuman ay mangyayari.

Naalala ng babae ang isinabit niyang alahas ngunit huli na, kasama na ng langit sa pagtaas.

Hindi na niya nakuhang muli. Ang mga alahas na iyon ay nasa langit pa hanggang ngayon dahil naging maningning na buwan at mga bituwin.

Iyon ang sinasabing alamat ng buwan at bituwin. 

Alamat ng Mangga

Alamat ng Mangga

Noong unang panahon ay may isang malupit ng hari. Kinatatakutan siya ng kanyang mga nasasakupan. Siya ay si Haring Ernesto. Sa isang banda ay gusto naman ng mga tao ang ganoon. Nagkaroon kasi sila ng disiplina. Maraming masasamang gawain ang maiiwasan dahil sa takot sa parusang iginawad ng hari.
Isang araw may nakatakas na mga bilanggo sa kulungan ng kaharian. Nagpaimbistiga si Haring Ernesto. Nalaman niya na nakatulog pala ang kawal na bantay kaya madaling nakatakas ang mga bilanggo. Agad niyang ipinatawag ang kawal. Tinanong niya ito kung bakit natutulog sa oras ng trabaho. Sinabi ng kawal na puyat ito dahil sa pagbabantay sa anak na may sakit.
“Puyat ka pala, dapat nagpapalit ka para di tayo natakasan ng mga bilanggo!” anang hari. Hindi nakasagot ang kawal. Alam nito na siya ang may pagkakamali. Hinatulan ito ng hari na mabilanggo bilang parusa sa kapabayaan.
Napaiyak ang asawa at anak ng kawal dahil sa awa sa lalaki. Nakiusap sila na pakawalan ang kawal ngunit hindi pumayag si Haring Ernesto. Walang nagawa ang mag-ina kundi ang umiyak. Nang malapit na ang kaarawan ng hari ay nagpalabas siya ng isang patalastas sa mga nasasakupan. Ayon sa patalastas, ang sinumang makapagdadala na wala pa ang hari o pagkaing hindi pa natitikman ay makahihiling sa kanya at kanya namang ipagkakaloob.
Natuwa ang asawa ng bilanggo dahil sa balita. Kaso wala naman itong maisip na maaaring ibigay sa hari. Naisip nitong yayain sa gubat ang anak para maghanap ng kahit anong maibibigay sa hari. Inabot sila ng pagod at gutom. Pauwi na sila ng isang diwata ang lumitaw sa kanilang harapan. May hawak na dalawang malalaking bunga ng halaman ang diwata. Kulay berde iyon. Noon lang nakakita ang mga ito ng ganoong bunga.
“Ito ang ibigay ninyo sa hari,” sabi ng diwata. “Itago muna ninyo ito sa inyong bigasan at ilabas mismo sa kaarawan ng hari.”
“A-ano po ba ang bungang ito?” tanong nila.
“Mangga ang tawag diyan. Wala niyan dito sa lupa. Sa aming daigdig lamang meron niyan at itinuring naming sagrado ang bungang iyan.”
“Maraming-maraming salamat po!” sabi ng mag-ina at nagpaalam na sa diwata. Tuwang-tuwa nag-siuwi ang mga ito.
Sinunod ng asawa ng kawal ang bilin ng diwata. Nang sumapit ang kaarawan ng hari ay kinuha nito ang dalawang bunga. Nanggilalas ito nang makitang naging dilaw ang bunga at mabangong-mabango.
Maging ang hari ay nanggilalas nang makita ang dalawang hinog na bunga na nasa amoy palamang ay mukha ng napakasarap. Agad niyang kinain ang isa at lubha siyang nasarapan.
‘Anong pangalan ng bungang ito ?” tanong ng hari.
“Mangga po”, sabay na wika ng mag-ina.

“Mangga? Ngayon lamang ako nakakita ng bungang ganito. Saan galling ito?”“Bigay po sa amin ng isang diwata.”“Dahil sa kakaiba at masarap na bungang dala mo, ipagkakaloob ko ang anumang hilingin mo.” Sabi niya sa asawa ng kawal.“Hinihiling ko po sa mahal na hari na makalaya ang aking asawa,” sabi ng babae.“Matutupad ang iyong kahilingan.”
Noon din ay nakalaya ang asawa ng babae. Sa labis ng katuwaan ng hari ay binigyan pa ng kaunting halaga ang mag-asawa. Matapos kainin ang mga bunga ay ipinatanim niya ang mga buto ng mga iyon upang muli siyang makatikim ng pambihirang bunga.
Nang tumubo at mamunga nang marami ang mga puno ay natikman iyon ng kanyang mga nasasakupan. Nagtanim din ng mga buto ang mga tao. Mula noon ay nakilala na ang prutas na tinawag nilang Mangga.

Mga Aral ng Kwento:

  • Kinalulugdan ng marami ang taong may isang salita at ang pagtupad sa pangako ay isang magandang halimbawa na dapat tularan.
  • Hindi masama ang pagkakaroon ng mahigpit na pinuno kung ito naman ay makatutulong sa pag-unlad ng pamayanan at walang nasisikil na karapatan ng taumbayan.